SORSOGON — Naniniwala si Lorenzo Balbido, isang agroecology practitioner at katuwang ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF) at Department of Agriculture sa Irosin, Sorsogon, na ang pinakamalaking hamon sa sektor ng agrikultura ay hindi lamang kakulangan sa puhunan kundi ang nakasanayang pagdepende ng maraming magsasaka sa mga mamahaling mga farm inputs tulad ng mga kemikal na mga pataba.
Sa panayam kay Arze Glipo Executive Director ng IRDF, sinabi ni Balbido na bagama’t matagal nang walang malaking pag-unlad ang pagsasaka sa kanilang lugar, nananatili ang kanyang pag-asa dahil sa patuloy na pagsasanay at suporta ng IRDF sa organic farming at agroecology.
Ayon sa kanya, namana ng maraming magsasaka ang paniniwalang dapat “instant” ang resulta ng pagsasaka kaya naging lubos ang pag-asa sa chemical based fertilizers at herbicides sa halip na gamitin ang mga local na rekurso tulad ng vermicast at mga organikong pataba, pati ang aplikasyon ng diversified farming system. Dahil dito, aniya, nananatiling mababa ang kita ng mga magsasaka at hindi sila tunay na umaasenso.
Ibinahagi rin ni Balbido ang sariling karanasan kung paano nagbago ang kanyang pananaw matapos dumalo sa mga pagsasanay tungkol sa organic farming. Aniya, napagtanto niyang kailangang “isapuso” ang mga natutunan sa organikong pagsasaka at maging handa sa panahong maaaring hindi na maging sapat o available ang mga imported na inorganic fertilizers.
“Bakit ang pagsasaka ko ang hindi nagbebenepisyo?” ito ang tanong na nagbunsod sa kanya upang yakapin ang organikong sistema ng pagsasaka. Aniya, tinanggap niya ang mga sakripisyo sa paglipat sa organic farming dahil pangunahing layunin niyang mapabuti ang kalagayan ng kanyang pamilya, habang nakikinabang din ang kanyang mga kapitbahay sa mas ligtas at mas napapanatiling produksyon.
Binigyang-diin din ni Balbido ang siklo ng pagkakautang na nararanasan ng maraming magsasaka. Aniya, kadalasang nangungutang sila ng puhunan upang makabili ng kemikal na pataba at iba pang agricultural inputs, ngunit pagdating ng anihan ay napupunta lamang ang malaking bahagi ng kanilang kita sa pagbabayad ng utang sa mga nagpautang.
Para kay Balbido, ang pagbabago ng mindset ng mga magsasaka tungo sa agroecology at organic farming ang isa sa pinakamahalagang hakbang upang mabawasan ang pagdepende sa mamahaling imported na inputs, maputol ang siklo ng pagkakautang, at makamit ang mas matatag at napapanatiling kinabukasan ng pagsasaka sa Sorsogon at sa buong bansa.#