Nagbabala si Dean Rene E. Ofreneo, dating Dean ng UP School of Labor and Industrial Relations, na nahaharap ang Pilipinas sa seryyosong banta sa food security, energy security, at kabuhayan ng ordinaryong mamamayan, habang aniya’y nalilihis ang pokus ng pamahalaan sa mga usaping pampulitika tulad ng impeachment at mga pagdinig sa Senado.
Sa ekslusibong panayam ng Tuklasin Natin, sinabi ni Ofreneo na ang tumitinding epekto ng climate change, posibleng paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan, at pagtaas ng presyo ng langis ay magkakaugnay na krisis na maaaring magdulot ng mas mataas na presyo ng pagkain at mas mababang ani ng mga magsasaka.
“It’s a threat to humanity. It’s a threat to farming, it’s a threat to life everywhere,” diin ni Ofreneo kaugnay ng climate change. Aniya, hindi na ito maaaring balewalain dahil nakikita na ang epekto nito sa agrikultura at sa buong mundo.
Ayon sa kanya, sa halip na nakatuon lamang sa mga usaping pampulitika, dapat umanong itanong ng pamahalaan: “Nasaan ang readiness program?” para sa mga banta ng climate change at posibleng pagtaas ng presyo ng langis kapag lumala ang sigalot sa Middle East. Ipinaliwanag niyang kapag tumaas ang presyo ng langis, tataas din ang presyo ng abono, bababa ang paggamit nito ng mga magsasaka, at posibleng bumaba ang ani.
Prayoridad: pagkain at proteksyon sa magsasaka
Binigyang-diin ni Ofreneo na kung siya ang nasa pamahalaan, ang unang prayoridad ay siguruhing may akses ang lahat sa pagkain, at ikalawa ay maprotektahan ang mga magsasaka laban sa displacement.
Aminado si Ofreneo na hindi maiiwasan ang pag-asa ng bansa sa pag-aangkat ng pagkain, ngunit dapat umanong gamitin ang kasalukuyang krisis upang pabilisin ang self-reliance sa agrikultura.
“Gamitin natin ang krisis na ito para i-accelerate ang self-reliance sa pagkain,” aniya. Dapat umanong palakasin ang lokal na kapasidad sa produksyon ng pagkain at hindi umasa nang lubos sa pag-aangkat.
Kaugnay nito, muling binuhay ni Ofreneo ang panawagan para sa “food nationalism” at pagpapalakas ng lokal na agrikultura upang matiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain.
Wala umanong sapat na oil reserve ang Pilipinas
Isa sa pinakamalaking pangamba ni Ofreneo ay ang kawalan ng sapat na oil reserve ng bansa. “Wala palang reserve ang Pilipinas,” aniya, at iginiit na maraming bansa ang nagtatayo ng strategic oil reserves bilang paghahanda sa krisis, samantalang ang Pilipinas ay lubhang nakaasa sa pandaigdigang merkado. Idinagdag niyang kapag nagkaroon ng pagkaantala sa suplay ng langis, direktang maaapektuhan ang presyo ng pagkain, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin. Maaari umanong humantong sa mas malawak na problema sa kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino.
Panawagan sa Kongreso: huwag kalimutan ang agarang problema
Bagama’t sinabi niyang maaaring ituloy ng Kongreso ang mga kasalukuyang pagdinig at imbestigasyon, hinimok niya ang mga mambabatas na huwag kalimutan ang mga “maigting na issue na nangangailangan ng immediate solution.” Kabilang dito ang:
- mabilis na pagtaas ng presyo ng abono,
- problema sa trading at import regulation,
- pagbagsak ng presyo ng gulay at palay tuwing anihan, at
- kakulangan ng malinaw na polisiya sa food at energy security.
Binanggit niya ang ulat na may mga gulay sa Baguio na naibebenta sa napakababang presyo, indikasyon umano ng problema sa supply chain at import regulation.
Kuryente at MSMEs
Pinuna rin ni Ofreneo ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, na aniya’y mabigat na pasanin para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at maging sa mga “nano enterprises” o negosyong may mas mababa sa limang manggagawa.
“Maraming mga micro, small, medium enterprises namamatay sa presyo ng kuryente,” sabi niya. Idinagdag niyang nahihirapan din ang ordinaryong mamamayan sa sunod-sunod na taas-singil sa kuryente at gasolina. Ayon sa kanya, ang mga pangunahing pangangailangan—pagkain, tubig, kuryente at irigasyon—ang dapat na sentro ng agarang aksyon ng pamahalaan. Dumarami rin aniya ang mga Pilipinong nawawalan ng kabuhayan at natutulog sa lansangan sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao.
Nanawagan siya sa mga malalaking korporasyon na magpakita ng mas malaking corporate social responsibility sa panahon ng krisis.
Renewable energy: “Greed economy” imbes na green economy
Sa usapin ng enerhiya, sinabi ni Ofreneo na mahina pa rin ang tunay na transisyon ng Pilipinas tungo sa renewable energy. Tinatayang mahigit 50% pa rin ng power generation ng bansa ay mula sa coal, habang wala pang 25% ang renewable energy share.
“Yung green economy baka maging greed economy,” babala niya, kung ang transisyon ay hindi magiging makatarungan at walang maiiwan.
“Upper middle income,” GDP, hindi sapat na sukatan
Kuwestiyonado rin kay Ofreneo ang deklarasyon ng World Bank na kabilang na ang Pilipinas sa upper middle income economies. Ayon sa kanya, hindi sapat ang per capita GDP bilang sukatan ng tunay na pag-unlad dahil hindi nito ipinapakita kung sino ang tunay na nakikinabang sa paglago ng ekonomiya.
“Yung per capita is a misleading indicator… baka 10% lang ng populasyon ang nakikinabang. So what happens to the 90%? Per capita GDP is a weak indicator,” aniya. Paliwanag ni Ofreneo na mas mahalaga na sukatin kung ilang disenteng trabaho ang nalilikha, ilang Pilipino ang umaahon sa kahirapan, at kung lumalawak ba ang tunay na middle class. Ipinaliwanag niyang maaaring tumaas ang kabuuang GDP ngunit mapunta lamang ang malaking bahagi ng kita sa maliit na porsyento ng populasyon.
“Hindi napatunayang tama ang pagbawas ng buwis sa mayayaman”
Tutol din si Ofreneo sa pananaw na ang pagbaba ng buwis ng malalaking korporasyon ay awtomatikong magdudulot ng pagdagsa ng foreign investments. “Walang proof na pag binaba mo ang buwis ng malalaking korporasyon ay yayaman ang bansa,” aniya. Sa halip, iginiit niya ang pangangailangan ng mas makatarungang sistema ng pagbubuwis at mas malaking “sense of solidarity with the poor” mula sa mayayamang sektor.
Bilang bahagi ng reporma, iminungkahi ni Ofreneo ang mas patas na sistema ng pagbubuwis.
“The higher the income, the higher your tax liability,” aniya, habang tinututulan niya ang patuloy na pagbaba ng buwis ng malalaking korporasyon dahil wala umanong matibay na ebidensyang nagdudulot ito ng malawakang pagpasok ng pamumuhunan.
Ayon sa kanya, ang tunay na kailangan ng mga mamumuhunan ay isang bansang may matatag na ekonomiya, maayos na pamamahala, at mababang antas ng kahirapan.
Panawagan para sa “holistic national reform”
Sa huli, nanawagan si Ofreneo ng mas malawak na reporma sa ekonomiya at pulitika, kabilang ang:
- balancing taxation,
- land reform,
- urban reform,
- education reform,
- poverty alleviation,
- at mas maayos na social protection programs.
Sa pagtatapos ng Pangulo ng Integrated Rural Development Foundation, Inc. (IRDF), iginiit niyang hindi sapat ang pagtutok sa mga usaping pulitikal kung hindi matutugunan ang lumalalang problema sa pagkain, enerhiya, at kahirapan.
“Kung wala kang gagawin, itong nangyayaring krisis lalalim lang nang lalalim,” babala niya.#