Nagsagawa ang Integrated Rural Development Foundation (IRDF) ng konsultasyon sa mga pangunahing lider ng mga rice farmers sa Barangay Mapantig, Sultan Kudarat, na kabilang sa organisasyon ng ARISE Movement, kaugnay nng pagpapatupad ng Agroecology sa mga palayan, isang proyektong suportado nng Department of Agriculture.

Binubuo ng humigit-kumulang 50 magsasaka ang nasabing grupo. Sa konsultasyon, lumitaw ang patuloy na pagdepende ng mga magsasaka sa pautang mula sa mga lokal na trader upang matustusan ang kanilang farm operations. Isa sa mga karaniwang arrangement ay ang pangungutang ng ₱5,000, na kailangang bayaran sa pamamagitan ng 180 kilo ng palay, bukod pa sa orihinal na halaga ng utang.

Sa buying price na ₱21 kada kilo, katumbas ito ng ₱3,780 na halaga ng palay bilang karagdagang bayad. Dahil dito, nagkakaroon ng matibay na financial linkage sa pagitan ng magsasaka at trader, na nakaaapekto sa kakayahan ng farmers na malayang makipagnegosasyon at pumili ng pinakamagandang presyo para sa kanilang ani. Ibinahagi rin ng mga magsasaka ang problema sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) assistance.

Bagama’t nakatutulong ang programa, nagiging malaking problema umano ang pagkaantala ng pagdating ng assistance, lalo na kapag kailangang maihabol ang planting season. Dahil sa delay, napipilitan ang ilang magsasaka na umutang sa trader upang magkaroon ng puhunan para sa binhi, abono at iba pang gastusin sa pagtatanim. Iniulat din ng mga farmer leaders na nakatatanggap sila ng tatlong sako ng foliar fertilizer kada ektarya mula sa pamahalaan.

Gayunman, madalas umano itong dumarating nang huli at hindi sapat kumpara sa aktuwal nilang pangangailangan na tinatayang umaabot sa walo (na sako kada ektarya. Isa rin sa mga concern na tinalakay ang access sa merkado. Ayon sa mga magsasaka, hindi umano sapat ang kanilang access sa NFA market at mas nakikinabang ang traders na nakakakonsolida ng malalaking volume ng palay.

Dahil dito, iminungkahi ng mga farmer leaders ang pagpapalakas ng farmer aggregation at pagbuo ng mas organisadong collective marketing mechanism upang pagsama-samahin ang volume ng palay ng mga miyembro at direktang makipagnegosasyon sa institutional at competitive buyers.

Inirekomenda rin ang pagbuo ng alternative production financing upang mabawasan ang pagdepende ng mga magsasaka sa trader loans, pagpapabuti sa timing at sufficiency ng agricultural inputs, at pag-explore ng collective post-harvest at storage arrangements.

Para sa mga magsasaka ng Barangay Mapantig, mahalaga hindi lamang ang pagkakaroon ng ayuda kundi ang napapanahong pagdating nito, sapat na production inputs, abot-kayang financing, mas magandang access sa merkado at mas malakas na bargaining power upang mapabuti ang kanilang kita at mabawasan ang pagdepende sa mga trader.#