Nagbabala si Jay Lacsamana, Team Leader ng Regenerative Coconut Carbon Communities (REGENCC) ng Institute for Rural Development Foundation (IRDF), na ang sabayang epekto ng climate chaos, pabagu-bagong presyo ng mga bilihin, kakulangan ng mga bagong magsasaka, at malalim na kahirapan sa kanayunan ay patuloy na nagpapahina sa sektor ng agrikultura at nagbabanta sa kinabukasan ng mga komunidad na umaasa sa pagsasaka.

Sa kanyang talumpati sa forum na “Confronting the Crisis in Philippine Agriculture,” sinabi ni Lacsamana na hindi na lamang usapin ng pag-angkop sa climate change ang kinakaharap ng bansa kundi ang paghahanda sa permanenteng pinsala at pagkawala na dulot ng lumalalang krisis sa klima.

Climate crisis is no longer a future threat. It is already here. It is already reducing incomes today,” diin niya.

Ayon kay Lacsamana, kabilang sa mga pangunahing epekto ng climate chaos ang pagtaas ng antas ng dagat, matinding init, malalakas na pag-ulan, pagguho ng lupa, pagkawala ng sustansiya ng mga sakahan, at pagbaba ng ani ng mga magsasaka.

Ibinahagi niya na sa kanilang proyekto sa Quezon, umabot sa 90 porsiyento ang namatay na mga punla mula sa kabuuang 10,000 dahil sa matinding init at epekto ng pagbabago ng klima.

Aniya, ang mga rural na lugar ang pinakabulnerable sa magkakaugnay na krisis dahil nakararanas ang mga ito ng climate chaos, market volatility, human capital drain, at patuloy na kahirapan.

Ipinaliwanag ni Lacsamana na lumalala ang kalagayan ng mga magsasaka dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, transportasyon, at mga agricultural inputs gaya ng pataba at pestisidyo.

Pinakatinatamaan umano ang maliliit na magsasaka dahil bumibili lamang sila ng mga kagamitan sa tingi at walang sapat na kapital upang makakuha ng diskuwento sa maramihang pagbili.

Dagdag pa niya, mahina rin ang posisyon ng mga magsasaka sa pamilihan dahil karamihan ay hindi kasapi ng matatag na samahan o kooperatiba na maaaring makipagtawaran para sa mas mataas na presyo ng kanilang produkto.

“Wala silang storage, wala silang capacity for processing, kaya nasa awa sila ng mga traders,” aniya.

Tinukoy rin ni Lacsamana ang tumatandang populasyon ng mga magsasaka at ang mababang interes ng kabataan sa agrikultura bilang isa pang seryosong suliranin.

Bunga nito, nawawala ang naipong kaalaman at tradisyong pang-agrikultura habang nahihirapan ding ipasok ang mga bagong teknolohiya sa mga sakahan.

Ayon sa kanya, marami sa mga matatandang magniniyog ang limitado ang kaalaman sa paggamit ng smartphone, digital applications, at climate information, kaya kinakailangan ng masusing paggabay upang mapakinabangan ang makabagong teknolohiya.

Binigyang-diin din ni Lacsamana na maraming magsasaka ang nakulong sa “poverty trap” dahil sa mababang kita, kawalan ng ipon at kolateral, at limitadong akses sa abot-kayang pautang.

Dahil dito, hindi sila makapag-invest sa makinarya, makabagong teknolohiya, at rehabilitasyon ng lupa, na lalo pang nagpapababa sa kanilang produksyon at kita.

“Low income, walang savings, walang farm investment, mababang productivity, at babalik ulit sa low income. Cycle siya, circle of poverty siya,” paliwanag niya.

Upang tugunan ito, inilunsad ng IRDF ang programang Regenerative Coconut Carbon Communities na naglalayong gawing mas matatag at produktibo ang mga magniniyog sa harap ng lumalalang epekto ng klima at pabagu-bagong merkado.

Kabilang sa mga hakbang na isinusulong ng programa ang climate-resilient at carbon-regenerative farming systems, intercropping ng kakaw sa ilalim ng niyugan, at pagpapalaki ng iba pang pananim tulad ng black pepper, luya at sitaw upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka.

Sinabi rin ni Lacsamana na nagbibigay ang programa ng malawakang pagsasanay sa nursery management, carbon technologies at paggamit ng digital applications na gagabay sa mga magsasaka mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pamamahala ng kanilang mga sakahan.

Dagdag pa niya, maaari ring maging bagong pinagkukunan ng puhunan sa hinaharap ang carbon credits para sa mga magsasakang kalahok sa proyekto.

Sa huli, naniniwala ang IRDF na sa pamamagitan ng regenerative agriculture, diversification, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka, magiging mas handa ang mga sambahayan sa kanayunan laban sa tumitinding epekto ng climate change at mga krisis sa ekonomiya.#