Nagpahayag ng buong suporta ang Integrated Rural Development Foundation (IRDF) sa panawagan ng Alyansa ng Parasira sa Sorsogon (ALPAS) para sa agarang pagtugon sa lumalalang krisis sa presyo ng lawlaw sa Bulan, Sorsogon na nagdudulot ng matinding pagkalugi, paglala ng kahirapan, at banta sa seguridad sa pagkain ng mga pamilyang mangingisda.
Ayon sa ALPAS, ang paulit-ulit na pagbagsak ng presyo ng lawlaw ay hindi simpleng usapin ng dami ng huli kundi resulta ng isang hindi patas na sistemang pangmerkado kung saan kontrolado ng iilang fish brokers at traders ang presyo, imbakan, transportasyon, at bentahan ng isda. Dahil dito, napipilitang ibenta ng mga mangingisda ang kanilang huli sa napakababang halaga o itapon na lamang ito sa dagat kapag hindi na mabenta.
“Isa itong malinaw na usapin ng katarungang panlipunan. Hindi katanggap-tanggap na itinatapon ang tone-toneladang isda habang lalong naghihirap ang mga mangingisda at kanilang pamilya,” pahayag ni Arze G. Glipo, Executive Director ng IRDF at Convenor ng Food Sovereignty Movement.
Binigyang-diin ng IRDF na ang pangunahing suliranin ay hindi overfishing kundi ang kawalan ng kontrol ng mga mangingisda sa cold storage, yelo, transportasyon, at access sa merkado.
Batay sa datos na inilatag ng ALPAS, sa tinatayang ₱1.46 milyong halaga ng 10 banyera ng lawlaw kapag naproseso bilang de-latang sardinas, ₱20,000 lamang o 1.36 porsiyento ang napupunta sa mga mangingisda at fishworkers kapag bumagsak ang presyo sa ₱200 kada banyera. Kahit umabot pa sa karaniwang ₱700 kada banyera, ₱70,000 lamang o halos 4.8 porsiyento ng kabuuang halaga ang napapakinabangan ng mga aktuwal na producer, habang ang malaking bahagi ng kita ay napupunta sa mga processor, distributor, at iba pang middlemen.
“Habang tumataas ang gastos sa krudo, yelo, paggawa, at transportasyon, ang pinakamalaking bahagi ng kita ay napupunta sa mga middlemen, processors, at distributors. Ito ang ugat ng kahirapan sa sektor ng pangisdaan,” dagdag ni Glipo.
Sinusuportahan ng IRDF ang mga agarang hakbang na iminungkahi ng ALPAS, kabilang ang pagtatatag ng Emergency Lawlaw Price Stabilization Program, subsidized ice at cold storage facilities, zero-waste fish processing programs, transparent fish price monitoring system, at pagbuo ng Bulan Fisheries Crisis Task Force na pangungunahan ng DA, BFAR, LGU, mga samahan ng mangingisda, at civil society organizations.
Kasabay nito, nananawagan ang IRDF kina Department of Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., BFAR National Director Elizer S. Salilig, BFAR Region V Director Ariel Pioquinto, at Bulan Mayor Romeo Gordola na agarang magpatupad ng mga repormang magpapalakas sa mga kooperatiba at organisasyon ng mangingisda, magtatayo ng mga buying station, cold storage at fish processing facilities, at magbibigay ng mas malaking bahagi ng value chain sa mga maliliit na mangingisda.
“Hindi limos ang hinihingi ng mga mangingisda. Ang hinihingi nila ay patas na pagkakataon, makabuluhang pakikilahok sa ekonomiya, at mga repormang magbibigay sa kanila ng higit na kontrol sa kanilang kabuhayan,” diin ng IRDF.
Naniniwala ang IRDF na ang pagpapalakas sa sektor ng maliliit na mangingisda ay mahalagang hakbang tungo sa food sovereignty, lokal na pag-unlad, at pangmatagalang seguridad sa pagkain ng bansa.#